Aking pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan. Bughaw na sabi ng ilan ay kulay ng katahimikan. Nagkataon marahil ng pangalanan ako ng aking mga magulang na "Blue". Sabi ng aking lola, "Apo hindi man lang kita narinig na umiyak ng ika'y isinilang. Katangian na pinagmulan ng iyong pangalan." Ang aking ama ay isang pintor. Salvador Santiago ang kaniyang pangalan. Nagmula siya sa angkan ng mga kilalang artists sa aming lalawigan. Minsan sinabi niya sa akin, "Anak, sa lahat ng kulay sa mundo ikaw ang aking paborito." Hindi ko mabatid ang kahulugan ng mga katagang ito ng ako ay musmos pa. Isa pa ako ay nagiisang anak lamang, walang kahati sa atensiyon o sa pagmamahal. Lumipas ang mga panahon, sa aking pangalan natagpuan ko ang kahulugan ni ama, ng katahimikan.
Lumaki ako na sagana sa lahat ng pangangailangan. Labingtatlong anyos pa lang, binigyan na ako ni ama ng sasakyan. Pinag-aral din niya ako sa mga kilalang paaralan mula prep hanggang kolehiyo. Nagtapos ako ng dalawang kurso, una ay Industrial Engineering at pangalawa ay Fine Arts. Subalit ninais ko pa rin manatili sa aming lalawigan at pangasiwaan ang Antique Shop & Gallery ng aming pamilya. Maraming iniwang likha ang aking ama na siyang sentro ng aming negosyo. Isang painting ni ama ay hindi bababa sa dalawampung libong piso ang halaga. Gaya ni ama, para sa akin mas gusto ko na ibenta ang mga likha niya. Sabi niya dati, "Ang pintura anak ay salamin ng buhay, sapat na aking naipinta ang nilalaman ng aking mga karanasan at ipamahagi ito sa sinomang nakakaunawa sa aking nararamdaman." Araw gabi si ama ay madalas na makikita sa studio niya. Sa huling pitong taon ng kaniyang buhay, namalagi siya sa Milan at iniwan ang mga likhang hindi bababa sa apat na raang paintings. Hindi ko matanggap noon kung bakit siya namalagi sa Milan habang aking tinatapos ang aking pangalawang kurso sa kolehiyo. Marahil ito ang dahilan kung bakit ninais ko rin ibenta ang kaniyang mga likha.
Apat na taon ako ng pumanaw si ina. Ito ay ayon sa aking lola subalit hindi ko na matandaan ang kaniyang itsura. Wala rin siyang iniwan na larawan sa aming mansiyon kahit ang kaniyang pangalan ay hindi nasasambit. Katahimikan lang ang sagot sa tuwing bubuksan ko ang ganitong usapin kay ama. Ganoon din kay lolo at lola. Salamat na lang sa aking yaya na si nanay Agusta at madalas niyang sinasabi na kawangis ko si ina. Sabi niya, "Anak huwag kang malumbay, gaya ng bughaw na kalangitan ang iyong ina ay laging nakatanglaw sa iyo saan ka man pumunta. Tumingin ka lang sa sapa at siya ay makikita mo roon. Ang iyong mga mata ay kaniyang mga mata, gayundin ang iyong mga labi at kulay ng buhok." Noong bata pa ako at musmos ang kaisipan, inakala ko na si ina ay diwatang nananahan sa sapa sa aming bakuran. Kapag ako ay nalulungkot at wala makausap, madalas akong nagpupunta sa sapa at pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan sa tubig. Minsan nakikita ko siya sa tubig, si ina.
Ika-walo ng gabi, April 12, 2003 mahaba man ang biyahe mula Maynila pauwi sa aming lalawigan, puno ako ng galak at kasabikan na makita ang aking lolo at lola gayundin si nanay Agusta. Subalit sumalubong sakin ang mapaiit na balita. Kausap ni lola si Tita Estrella sa telepono habang umiiyak katabi si lolo na nakahawak sa kaniyang mga balikat. Sabi ni nanay Agusta, "Anak, pumanaw na ang iyong ama." Walang mga luha ang pumatak sa aking mga mata, walang iyak o anumang salita ang lumabas sa aking bibig. Bagkos ay niyakap ko si nanay Agusta gayundin si lolo at lola. Namatay si ama sa kaniyang pagtulog. Nabalot sa katahimikan ang mansiyon sa loob ng apatnapung araw.
Maraming katanungan ang nasa aking isip. Bakit ama? Bakit ka nawala? Marami akong katanungan na hindi mo pa nasasagot. Nasaan si ina? Bakit ninyo ako iniwan? Subalit gaya ng bughaw na kalangitan, tanging katahimikan lamang ang kanilang kasagutan.
Lumipas ang pitong buwan, naghahanda si lolo at lola sa paggayak sa puntod ni ama't ina sa nalalapit na undas. Naiwan ako sa mansiyon at ako ay namalagi sa studio ni ama. Aking sinasariwa ang mga panahon na kapiling ko siya. Ang mga kulay na kaniyang ipininta. Ako bilang paboritong kulay niya. Aking hinawakan ang easel na palagi niyang gamit. Natatandaan ko pa ng minsan sinabi niya, "Anak ang easel na ito ay sandalan. Gaya ng iyong mga mahal sa buhay, ako, si lolo at lola mo, pati na rin si nanay Agusta ay iyong sandalan. Darating ang panahon na ika'y magiging sandalan din nila.". Biglang pumatak ang luha sa aking mga mata ng hindi ko namamalayan. Ito ay pumatak sa sahig. Biglang bumalik sa aking alaala ang panahon ng minsan umiyak si ama sa studio na ito habang gumagawa ng isang likha. Sabi ko, "Ama malungkot ka ba?", sabi niya "Anak ang luha ay paraan ng puso upang ilabas ang saloobin niya, hindi mo kailangan maging malungkot upang lumuha." Sabi ko, "Ama, ano po sabi ng iyong puso?" Tumawa siya sa akin at ako ay niyakap ng mahigpit at sinabi niya, "Sabi ng puso ko anak, mahal na mahal kita." Hindi tinapos ni ama ang likhang iyon na sa aking pagkakatanda ay larawan ng kalangitan. Inisa-isa ko ang mga nakatago pang likha sa studio ni ama. Karamihan dito ay mga canvas ng mga likha na hindi tinapos ni ama. Magdamag akong naghanap subalit hindi ko makita ang likhang ito. Subalit aking napagtanto na ang likhang ito ay may katumbas na larawan sa mansiyon. Sa katunayan nasa kuwarto ito ni ama. Ako ay magmadaling bumalik sa bahay at umakyat sa kwarto ni ama na nasa ikatlong palapag. Tila bagang mahabang lakarin ang aking tinahak bago ko narating ang kaniyang kuwarto. Sa lahat ng kuwarto sa aming mansiyon tanging ito lamang ang kuwarto na hindi pinalagyan ni ama ng elektrisidad. Kandelabra lamang ang tanging ilaw sa kuwarto. Hindi rin kailangan ng airconditioner dahil ito ang pinakamaaliwalas na kuwarto dahil sa malalaki nitong pintuan na nagsisilbing bintana at daanan sa engrandeng balkonahe ng aming mansiyon. Sa gabing ito masisilayan mo ang malaking buwan na nagbubuhos ng liwanag sa loob ng kuwarto patungo sa painting na nakasabit sa itaas ng ulo ng kama ni ama. Hindi nakalagda ang pangalan ni ama na karaniwan niyang nilalagay sa kaniyang mga likha. Sa halip ay nakasulat sa ibabang bahagi ng painting ang mga katagang "La Preciosa Casa - I.B.". Nakakapangilabot ang pagkakahalintulad nito sa iniwang likha ni ama na hindi niya natapos. Ang kulay ng sinimulan niyang kalangitan ang pangunahin mong makikita sa painting na ito. Subalit habang aking tinititigan ang larawan, aking napansin na ang aming mansiyon ang tunay na subject ng painting. Sa malayong tingin hindi mo ito mapapansin dahil sa bughaw na kulay ng kalangitan na siyang sinasalamin ng mansiyon. La Preciosa Casa, The Beautiful House sa wikang Ingles. Subalit sino ang may initial na "I.B."? Muling pumatak ang luha sa aking mga mata. Luha na hindi dulot ng kalungkutan. Sabi ng aking puso, "ina". Dagli kong pinunasan ng aking kamay ang mga luha at ako ay napahawak sa initials ng painting. Sa pagdantay ng aking basang palad sa frame ng painting ay biglang lumabas ang mga nakaukit na letra na natabunan marahil ng alikabok sa mga nagdaang panahon, "Sa aking pinakamamahal na anak. Ivory Blue 5-13-77". Araw ng aking kapanganakan. Ivory Blue ang pangalan ng aking ina. Natapos niya ang likhang ito sa araw ng aking kapanganakan.
Pinagmamasdan ko ang bughaw na kalangitan habang nakahiga sa tabi ng sapa. Panatag na ang aking kalooban. Alam ko na si ina at si ama ay masiyang magkasama at nakatanglaw sa akin mula sa itaas. Muling pumatak ang luha sa aking mga mata at alam ko na sinasabi ng aking puso, "Bughaw ang kulay ng katahimikan."